Sinasabi ng matandang kasabihan na “Saka mo lamang mararamdaman ang kahalagaan ng isang tao o bagay kapag siya o ito ay mawawala na sa iyo.”

At sa nalalapit na pagpapaalam ng HEROtv, Sinasalamin nito ang naturang kasabihan.

 

Nasa gitna kami ng biyahe ng kapatid ko papuntang Lucena nitong Disyembre 23 nang malaman namin ang balita. Noong una, magkahalo ang naramdaman ko.

Hindi ko na ito napapanood kapag dumating ang pagkakataong makapag-subscribe na muli kami sa cable. Malamang, may mga nagsasabing “Gusto kong panoorin ang HEROtv kaya nagpa-cable ako”, o di kaya’y “Sayang lang ang binabayad ko sa cable kung mawawala rin lang ang HEROtv”.

Maniwala man kayo o hindi, kahit ang mga kakilala kong nagta-trabaho sa isang cable provider ay nagpahayag sa akin ng kanilang panghihinayang.

Natitiyak ko na ang kanilang nararamdaman ay base sa mga feedback na natatanggap nila mula sa kanilang mga subscribers na nagsasabi ng katulad na saloobin tungkol dito.

 

Tao rin naman ako ma nasasaktan at nakakaramdam ng sama ng loob matapos kong malaman ang masakit na balita. Naramdaman ko ang paninisi at “finger-pointing” ng ilang mga netizen sa mga umano’y “normies”, maging ang mga “purista” at “weeaboo” na mga anime fans.

Hindi na ako nagtataka sa sitwasyong ito. Sa maraming beses na mistulang nag-uumpugang bato ng opinyon sa pagitan ng mga anime fans, iilan laman ang mga pagkakatapn na may mga indibidwal na may lakas ng loob at paninindigan sa kahalagaan ng pagyakap ng Japanese Pop-culture sa ating bansa.

 

Aminado akong hindi na maiisawan ang pagsulong ng teknolohiya, pero hindi rin nawawala ang kontradiksyon ng mga numero na nagsasabing nanonood sila ng mga paboritong programa — sa telebisyon man o sa internet.

Laging panawagan na suportahan ang mga anime shows, partikular ang Filipino-dubbed shows, upang mauwasan ang “anime piracy” na kumakalat sa mga ilegal na streaming sites.

Katuwiran lagi ng mga nanonood sa mga naturang websites, “At least walang putol” o “Walang MTRCB“.

 

Mula nang nag-umpisa ang HEROtv noong 2005 hanggang sa napipintong pagkawala sa ere ngayong Enero, hindi pa in nawawala ang isyu sa pagda-dub ng mga anime sa Filipino.

Tunay nga na malaking dagok ito sa mga dubbers.

 

Hindi ko naman nasabing nagkulang ang HEROtv sa pagpromote sa kanilang channel.

Oo, nagawa man nila ito sa kanilang mga naging events tulad ng “Hataw! Hanep! HERO!”, “HERO Nation” at sa “HERO Face-Off”, maging sa pakikipag-collaborate sa iba pang mga major events sa Metro Manila.

Pero sa obserbasyon ng ilang mga anime fans, nagawa sanang maging mas masigasig ang channel sa promotion at sa patuloy sanang pagpapakilala nila sa baging henerasyon ng anime fans.

 

Hindi pa rin mawala-wala ang mentalidad ng mga karaniwang Pilipino ang anime ay “pambata”.

 

Oo, ang katotohanang ang naging kapalaran ng HEROtv at laging nasa kamay ng mga nakakataas sa kanila sa loob ng ABS-CBN.

Ani nila, walang pumapasok na advertisers sa channel. Sa tingin ko, mahirap itong paniwalaan dahil sa taun-taon nilang ginagawa ang trade show para sa mga advertisers, hindi man nilang sinamantala ang pagkakataon maipresinta sa kanila ang lahat ng aktibidad ng network — hindi lang sa Channel 2.

Sana pati na rin sa S+A, lahat ng kanilang cable channels, DZMM 630kHz at Teleradyo, lahat ng kanilang magasin ng kanilang publishing division, lahat ng channels na nasa ABS-CBN TVplus.

Sana nilahat na lang nila nang walang mapag-iwanan, nang walang makokompromisong mga trabaho, nang walang maaalis sa ere tulad ng HEROtv, TAG at ABS-CBN Regional Channel.

 

Maaring katuwiran ng ilang, “Aba! Bakit nila tatanggalin? Eh, nagbabayad naman ako para makapanood ng HEROtv, para makapanood ng anime nang buo.”

Oo, sa pagkakaalam ko, ng buhay ng isang cable channel ay nakasalalay sa kita mula sa mga cable providers na siniserbisyuhan nila.

Wala namang masama kung hikayatin ang mga advertisers na magpasok ng kanilang commercials. Sinasabing pagsamahin man ang kita mula sa cabe providers at perang pumapasok sa mga commercials, hindi daw naging sapat para mag-“survive” ang channel.

 

Sa paglipas ng mga panahon, may mga anime titles nang nagpapakita na ng mga maseselang tema, tulad ng Death Note, Food Wars: Shokugeki no Soma, at 91 Days, iilan pa lang sa kanila ang may pagkakataong maipalabas sa Philippine TV… at least sa HEROtv.

Pero sa loob ng mahigit tatlong dekada ng pamamayagpag ng Japanese Pop-culture sa ating bansa, hindi pa rin mawala-wala ang mentalidad ng mga karaniwang Pilipino ang anime ay “pambata”.

Kung may “evolution” ang paggawa ng anime sa Japan na nagke-cater “to all walks of life” doon, bakit ang mga karaniwang Pilipino na hindi nanonood ng anime, hindi natin kayang magawang baguhin ang mentalidad nila dito?

 

Yaman rin lang na idinidikit sa “kids genre” ang mga anime dito sa ating bansa, wala naman mali at masama kung imumungkahi ko na ang digital channel nila na YeY ay madagdagan ng oras para sa anime, hanggang hating gabi man lang.

Kung may nakikitang “market” sa channel na tio, tiyak na hindi na mauubos ang anime programming dito.

 

Sa loob ng 12 taon ng HEROtv at sa unang limang taon ng pagsasahimpapawid nito noong may cable subscription pa kami, naging suportado naman ako sa kanila.

Kahit sa mga panahong wala kaming cable, patuloy akong nakikibalita sa mga nangyayari sa kanila.

At kung ang mga naunang mga tao sa likod ng HEROtv ang tatanungin, hindi matatawaran ang suporta ko sa kanila.

 

Mula nang makumpirma namin noong 2005 ang pag-aalok sa mga cable providers na nagsusubscribe sa HEROtv, siyempre masayang-masaya ako. At mantakin mo, nagpost sila ng komento sa mga isinulat ko noon.

Mga memorabilia namin mula sa HEROtv. (Photo by Marlo Magtibay)

Kahit wala pa kaming cable sa panahong iyon, nagsulat ako sa aking blog noon ng initial schedule ng mga anime shows noon nasa test broadcast. Bilang pasasalamat, nagbigay pa ang HEROtv ng ilang mga items nila sa akin, kabilang ang malaking tarpaulin at isang t-shirt.

Ako naman, noong wala pang official website ang channel, gumawa ako ng monthly program schedule sa Excel spreadsheet.

 

Nagawa din naman naming makapunta sa 2007 at 2008 editions ng “Hataw! Hanep! HERO!” convention, at pati na rin sa Toycon PH kasabay ng “HERO Face-off”.

Hindi ko mabilang ang mga anime titles na naging paborito ko na napanood ko sa HEROtv, tulad ng Mirumo de Pon!, School Rumble at BECK: Mongolian Chop Squad, pero masasabi kong ang mga unang taon ng channel ang naging “best years” nila.

 

Sa tingin ko, mas masarap pa rin sariwain ang mga masasayang alaala kapag tayo ay nanonood sa kanila.

 

Kung isang tao turing sa HEROtv, napakabata pa niya. Labindalawang taong gulang pa lang. Napakabata pa para lisanin ang mundo ng telebisyon.

Kung magulang naman ang maituturing sa ABS-CBN, isipin nyo na maaring ginawa na nila ang lahat para mabuhay ang anak nila, o di kaya’y “mga pabayang magulang, hindi nila inaruga, inalagaan at minahal ang kanilang anak”, o di kaya’y “hindi sila karapat-dapat na magulang, hinayaan nila ang anak na mamatay sa kalunos-lunos na kalagayan”.

 

Sa kanilang announcement, kahit nakatakda na silang mag-shut down ay astigin pa rin ang presentasyon.

Kung tao ang maituturing sa HEROtv, kahit malapit na siyang pumanaw at nagpapakita pa rin sila ng katatagan sa ating lahat.

 

Sa mga tulad ko na sinusubaybayan ang naging takbo ng HEROtv, gustuhin man natin na tumulong upang isalba at manatili sa ere ang channel, wala na tayong magagawa. Hindi natin hawak ang mga desisyon sa pagpapalakad ng channel.

Maaring hindi natin tanggap ang anumang dahilan o katuwiran ng ABS-CBN, maaring hindi natin ito igalang o i-respeto, maaring karamihan sa atin na nakasubaybay sa mahabang panahon ay nakaramdam ng lungkol, panghihinayang, sama ng loob at marahil galit sa napipintong pamamaalam ng channel.

Sa tingin ko, mas masarap pa rin sariwain ang mga masasayang alaala kapag tayo ay nanonood sa kanila.

 

Bibilang ng mga araw, buwan o kahit isa, dalawang taon na dadalhin natin ang masakit na balitang ito.

Pero hindi dapat natin itong tingnan sa anggulong ito. Ang pinakamahalaga ay yung naibigay ng HEROtv para tayo ay aliwin.

 

Ako ay lubos na nagpapasalamat at tumatanaw ng malaking utang na loob sa HEROtv na naging bahagi siya ng buhay ko, maging sa lahat ng taong nasa likod ng channel na ito mula nood hanggang sa sandaling ito, at lahat ng mga dubbers na nasa likod ng boses ng lahat ng mga anime na naipalabas sa channel na ito.

Ipinagmamalaki ko na ako, sampu sa aking mga kasama sa Anime Pilipinas ang siyang unang mga indibidwal na nakatuklas ng balita ng pagdating ng HEROtv noon.

At malamang ang karamihan sa mga nanonood, sumuporta, nagmahal at nagtiwala, magpapahayag din ng kanilang pasasalamat at pagtanaw.

 

Tuloy lang ang buhay. Walang masamang mangarap. Patuloy tayong magsisikap upang tayong mga anime fans sa Pilipinas ay makakuha na ng mataas na respeto mula sa lipunang mapagmata at mapanghusga.

Patuloy akong mangangarap na darating ang panahon na may isang channel, saan man ito manggagaling, ang tutugon sa ating mga pangangailangang kaaliwan at kasiyahan sa ating mga anime fans sa Pilipinas.

 

Kung meron kayong komento o reaksyon sa aking nasulat, pwede kayong mag-email sa [email protected].


The views and opinions expressed by the writer do not necessarily reflect the views of Anime Pilipinas, its members, partners and colleagues. If you have comments or reactions, please email us at [email protected].

Marlo Magtibay
Marlo Magtibay (known online as Anime Kabayan) is an anime fan since year 1999 from San Pablo City, Laguna, Philippines. He is known for his strong commentaries on anime programming, specially on the local TV channels. His writings was also published in the entertainment section of Abante and Abante Tonite, two of the tabloids in the Philippines. Currently, he observing the PHL anime industry and cosplay locally in San Pablo City and Laguna.