Huling linggo na ng Voltes V sa telebisyon next week, samot-saring mga reaksyon at komento ang nakita ko noong bumalik ito sa GMA-7 noong Pebrero.

Pero bago kayo makipag-away, este, makipag-diskusyunan sa social media tungkol sa kinahinatnan ng anime na ‘yun, hayaan ninyo muna akong bigyan ng pagkakataon na mabasa ninyo ang mga puntong maaaring hindi pa ninyo napagtatanto.

 

Una, hindi katulad ng karamihan ng anime na ipinapalabas nang paulit-ulit sa GMA-7, naniniwala akong hindi muling maipapalabas sa telebisyon ang Voltes V nang walang anumang (kahit paano, mabigat) na dahilan.

Tulad ng narinig na natin sa kanilang commercial, 40th anniversary na ng naturang anime. Apat na dekada na nang unang ipalabas ang sa pananaw ko’y “pinakasikat na anime series” sa Pilipinas.

Taong 1977 nang una itong umere sa bansang Japan at dalawang taon ang lumipas ay tumuntong ito sa ating bansa at napanood sa GMA-7 tuwing Biyernes ng alas-6:30 ng gabi. Sa kasamaang-palad, apat na episodes na lang ang natitra ay inalis ito mula sa pag-ere, maging ang iba pang anime at tokusatsu titles.

Pinaniniwalaang maaaring maaaring magbunsod sa pag-aalsa ng mga mamamayan laban sa pamahalaan noong panahong iyon ang ipinapakita ng naturang anime sa mga manonood, pero may mga kilala ako na dini-dispute ang paniniwalang ito.

 

Sa mata ng mga unang nakapanood ng Voltes V noon, isa itong pinakamalaking panghihinayang at kabiguan.

Ika nga ng mga kasabihan ngayon… Anime fans from the 70s be like, “Mantakin mo naman, apat na episode na lang ang anime na yun, sasalakayin na ni Voltes V ang Skull Base ng mga Bozanian, tapos bigla na lang tatanggalin?!”

Pero matapos na magpalit ng administrasyon ang ating bansa, bagamat hindi pa nagagawang tapusin nang buo ang pagpapalabas, at sa kabila ng paulit-ulit na pag-ere nito, lalong lumakas ang popularidad ng anime na ito.

At noong June 1999, 20 taon ang nakalipas, sa pamamagitan ng isang theatrical release – ang “Voltes V The Movie: The Liberation”, doon natuldukan ang mahabang paghihintay ng mga anime fans noon na matapos nang buo ang sikat na anime series.

 

Halos isang dekada na rin ang lumipas mula nang huling umere ang Voltes V

 

Teka Muna, Pag-usapan Natin Ang Reruns…

Putulin ko muna sandali, dito na muna tayo sa anggulo ng paulit-ulit na pagpapalabas ng mga anime.

Gusto kong i-emphasize na ang pagre-“rerun” ng mga anime sa Philippine TV ay hindi isang bagong bagay, lalo na sa henerasyon ng mga anime fans ngayon.

Maaaring sa panahon ngayon, nakailang ulit na tayo sa panonood ng mga katulad ng Yu Yu Hakusho, Detective Conan, Hajime no Ippo at One Piece. Lalo naman siguro at sasang-ayon kayo sa akin na nakailang ulit na rin tayo sa pagtutok sa Myriad Colors Phantom World, Kantai Collection at Attack on Titan: Junior High.

Pero, naramdaman ko na hindi makatwiran ang mga reaksyon at komento noong inaanunsyo na ang muling pagpalabas ng Voltes V.

 

HELLO??? Halos isang dekada na rin ang lumipas mula nang huling umere ang Voltes V, at sa pagkakataong iyon, noong May 2006, sa cable channel na HEROtv pa ito ipinalabas. Naging hati rin ang reaksyon ng tao dito.

Kung sa Free TV naman pag-uusapan, pinakasikat ang naging re-run nito ay noong January 15, 1999, sa kanyang original na Filipino-dubbed English version, at noong November 1999, kung saan ay napanood natin ito sa Filipino-dubbed version na kinagisnan natin.

Alam nating lahat na kapag nagpapalabas ang GMA-7 ng advertisement ng kanilang anime line-up para sa buong taon, karamihan sa kanila, nate-tengga lang, at kasama sa na-tengga ang Voltes V (at plano na ring ipalabas ulit ang Daimos) noon.

Kaya nakakapagtaka na ganoon na lamang ang mga hindi pinag-isipang reaksyon at komento sa social media gayong hindi pa ulit umere ang Voltes V sa loob ng mahigit-kumulang sampung taon.

Dahil ba sa “kalumaan” ng anime na ito? Maaaring ganun nga ang argumento ng iba, pero hindi naman matatawaran ang pinagdaanan ng anime na ito, maging ang iba pang naipalabas noon late 1970s.

 

Ang isyu ko…

At heto na naman tayo sa anggulo ng “re-dubbing” ng mga anime shows, partikular nga sa Voltes V.

Hindi ko alam kung ano ang nasa isip at saloobin ng mga may pasimuno sa pag-redub ng anime na ito, pati na rin ang mga artistang nag-dub dito, pero kung magagawa naman nila na mag-reach out at ibigay ang kanilang panig, magiging malaking bagay ito sa ating lahat.

Sa tingin ko naman, hindi pa masusukat ang nararamdaman nila na maging bahagi ng 2017 re-dubbed version ng anime sa mga news items at napapanood natin sa mga newscast. Kailangan pa rin naman nating pakinggan ang kanilang panig.

Kung sa pandinig ninyo ay maganda/maayos o hindi ang pagkakadub nila, hangga’t makatuwiran naman ang mga komento ninyo, irerespeto ko ‘yan.

 

Kung meron mang kapuna-puna sa ginawa ng “Kapuso Network” sa Voltes V sa pagkakataong ito, iyan ay ang maikli at putol-putol na pag-ere ng mga episodes nito.

Maayos pa sana nung sa unang episode lang, pero kinalaunan ay hindi na ito naging maganda. Halos 25 minuto lang ang airtime kada episode, kasama na ang commercial breaks.

Ano nga naman ang mapapanood natin sa bawat episode ng mga anime (‘di lang Voltes V) kung ganoon ang sistema?

Naitalakay ko na noon ang isyu ng “dubbing” sa Anime Pilipinas, pero base sa mga una nilang gawa, kailangan pa nilang husayin ang kanilang ginagawa.

 

The keyword here is patience.

 

Move on na lang?

Sabi nila, “Don’t look back in order to move forward”. Ang sinasabi naman ng iba, “mag-move on na lang tayo”.

Maaaring ikinakabit ng iba ang mga katagang ito sa Voltes V at sa iba pang mga anime shows na inere na nang paulit-ulit. Sa panahon ngayon, sa dami ng nagagawa ng internet, maaaring makapanood tayo ng mga paborito nating mga anime series sa higit sa isang paraan, hindi lamang sa telebisyon, mapa-antenna yan o cable.

Hindi ako tutol sa mga sinasabi ng iba na dapat ay makapanood naman ng ibang mga anime titles ang mga Pinoy anime fans sa telebisyon dito sa bansa. Ngunit, dapat maintindihan din ng kasalukuyang henerasyon ng mga anime fans ngayon na iba-iba ang kinahinatnan ng mga anime titles na napapanood mula noong dekada 90 at hanggang ngayon.

 

Halimbawa na lamang ang Yu Yu Hakusho, o mas kilala sa pangalang “Ghost Fighter.” Mga dalawang taon na yata ang lumipas mula nang huli itong umere at heto na nga, napapanood natin ulit ngayon.

Tulad ng nabanggit ko kanina, mga sampung taon na rin mula nang huling umere ang Voltes V. Ang ibig kong sabihin, huwag nating ilagay ang Voltes V sa sitwasyon ng Ghost Fighter.

Ang Magic Knight Rayearth, kailan lang ba noong huli itong umere? Hindi ba mga early 2000s? Eh, paano naman ang Virtua Fighters?

 

Isa pa, hindi porke’t napapanood pa rin natin ang Detective Conan at One Piece, sasabihin pa natin “paulit-ulit”? Alam naman nating lahat na nagpapalabas pa rin ng mga bagong episodes ng mga nasabing titles sa Japan. Maaaring pumapalya pa ang GMA-7 na mai-ere ang mga bagong episodes ng mga anime na ito.

Hindi katulad ng henerasyon ng mga anime fans ngayon, malamang hindi sila naturuan ng mga magulang nila kung paano maghintay at magtiyaga.

Kahit naman sa YeY!, ang kids channel ng ABS-CBN sa digital TV, hindi mapagkakailang nag-eere din sila ng mga anime titles nang paulit-ulit, tulad na lang ng Naruto at Naruto Shippuden.

The keyword here is patience. Naiintindihan ko naman ang scenario ng TV5 sa kanilang AniMEGA block, pero sana naman, habaan pa nating mga manonood ang pang-unawa. May mga darating namang mga bagong titles. Magugulat na lang tayo kung anu-ano ang susunod nating makikita.

 

Malayo na rin ang narating natin.

Sa kabilang dako naman, sa punto-de-bista ng isang matandang anime fan na tulad ko, dapat maisip din ng mga anime fans sa henerasyon na ito na sa pagbabalik-tanaw natin sa mga anime na kinagisnan namin noon, doon natin nakikita kung gaano kalayo ang narating ng Japanese Anime sa Philippine TV.

Muli, isipin ninyo ito. Ang muling pag-ere ng Voltes V sa telebisyon sa ating bansa ay bilang pagpupugay sa 40 years ng anime mula nang una itong ipinalabas sa Japan.

Mantakin ninyo, itinaon pa ng “Kapuso Network” sa 40th year ng Voltes V. Hindi ito kababawan na dahilan. Ito ay isang bagay na maipagmamalaki ng mga Pinoy na unang nadatnan ang anime na ito.

 

hindi ba nararapat na tumanaw tayo ng utang na loob at pagpupugay sa mga anime noon?

 

What if?

Tanong ko lang, kung hindi naputol ang pag-ere ng Voltes V noong 1979, kung tinapos lang ang airing nito sa telebisyon sa unang pagsalang pa lang nito, mababago kaya ang kasaysayan at popularidad ng anime na ito, maging ang iba pang mga anime at tokusatsu titles noon?

PWIDI, PIRO DIPINDI. Kung natapos nga naman ang Voltes V noong 1979, maaaring ito ang isa sa mga pinakamasayang bahagi ng aming kabataan noon. Maaari din namang ipalabas ulit ito, at least mga late 1980s. Doon na siguro iiral ang tinatawag na “sawa factor” (yan ay kung uso na ang ganyang konsepto noon).

At malamang, hindi na natin napanood ulit ito noong early 1990s sa IBC 13, or even better (or worse), hindi na natin ulit sila masisilayan kailanman. Pero ibang bagay na iyon sa 1999 rerun, kahit hindi na gawan ng theatrical release ang last four episodes.

Isa pa, bilang isang Batang 90s, naniniwala ako na layunin sa pagpapalabas ng Voltes V at ng mga katulad na anime na naipalabas noong 70’s, 80’s, at karamihan noong 90’s na makita ng henerasyon ng mga anime fans ngayon kung anu-anong mga anime series ang nagustuhan namin noon.

 

No disrespect sa mga fans ng mga anime shows na paborito ngayon, nagugustuhan din naman namin ang mga anime ngayon, pero hindi ba nararapat na tumanaw tayo ng utang na loob at pagpupugay sa mga anime noon?

Kung wala ang Voltes V noon, malamang wala tayong mapapanood na mga katulad ng Mobile Suit Gundam Wing, Ragnarok the Animation, Mobile Suit Gundam SEED, Card Captor Sakura, Shakugan no Shana, Code Geass, Fairy Tail, Tokyo Ghoul, Attack on Titan at iba pa. At kung sasapit din sila sa 10th, 20th, 30th o 40th anniversary, gugustuhin din natin na muli itong mapanood at ipapanood din sa iba’t iba pang mga anime fans mula sa bawat henerasyon.

Masuwerte lang talaga ang Voltes V, dahil nga naman sa kasikatan nito mula noon hanggang ngayon, nabigyan ulit ng pagkakataon na mapanood ito ng mga anime fans… ng lahat ng henerasyon.

Tandaan ang kasabihan, “Ang hindi marunong tumingin sa pinanggalingan ay hindi makakarating sa paroroonan.” Mahirap man ang paggawa ng paggawa ng mga anime shows sa Japan ngayon dahil sa kakulangan ng creativity o malawak na imahinasyon, hindi kailanman masama ang ideyang bumalik sa mga konsepto ng mga nagawang anime noon.

Kaya hindi nakakapagtakang may mga anime noon na nabibigyan ng remake, di ba?

 

Oo nga pala, iniretiro na kaya ang Slam Dunk? Sana lang. Outdated na kasi basketball rules dun.

 

Kung meron kayong komento o reaksyon sa aking nasulat, pwede kayong mag-email sa [email protected]


The views and opinions expressed by the writer do not necessarily reflect the views of Anime Pilipinas, its members, partners and colleagues. If you have comments or reactions, please email us at [email protected].

Marlo Magtibay (known online as Anime Kabayan) is an anime fan since year 1999 from San Pablo City, Laguna, Philippines. He is known for his strong commentaries on anime programming, specially on the local TV channels. His writings was also published in the entertainment section of Abante and Abante Tonite, two of the tabloids in the Philippines. Currently, he observing the PHL anime industry and cosplay locally in San Pablo City and Laguna.