EDITOR’S NOTE: This opinion piece was written by Marlo Magtibay (@AnimeKabayan on Twitter), who is a former radio DJ in San Pablo City, Laguna & the co-founder of ZEN Otaku Honbu, which is the predecessor to this website. He is a part of various anime organizations in Laguna, and also a contributor to this website. Please be advised that this opinion post is purely in Filipino language.

Kapag pinag-uusapan ang Japanese anime dito sa bansa, isa sa mga laging mainit na isyu ay ang pagda-dub nito sa Filipino.

Ito rin umano ang tinitingnan na dahilan upang ang isang dubber o ang isang dubbing firm/production ay gawin ang mga improvement upang dalhin niya ito sa mga susunod nilang proyekto.

Minsan, sa mata ng mga nasa loob ng isang TV network, ito ang ginagawang batayan kung ipapalabas ulit ang anime title na pinag-ukulan ng komentaryo o hindi na (madalas, hindi ito nangyayari). At ang pinaka-“worst case” sa mga nagdaang panahon, ginawa umanong batayan ito ng isang TV network para tuluyang tanggalin sa kanilang programming line-up ang kanilang anime block.

 

Sa kabila ng aking edad, kung meron man akong dapat ipagmalaki ay sa loob ng 24 years na nakamulatan ko ang panonood ng anime, nasaksihan ko kung paano nag-umpisa, lumawak, minsan may improvement, at minsan bumaba ang kalidad ng dubbing sa ating bansa.

Kaya sa mga kaparehas ko ng edad at sa mga dubbers na nakasalamuha ko (mata sa mata man o kahit sa e-mail o social media), ang pagbibigay ng makatuwirang pagpuna sa kanilang mga gawa at pagtanggap (at minsan ay nagpapasalamat pa) ay palitan ng magandang respeto sa dubbers at sa mga nakakapanood ng kanilang mga gawa.

Kung nadatnan ninyo ang taong 1996, malamang napanood ninyo sa ABS-CBN ang Magic Knight Rayearth. Naging bahagi ang anime na ito sa 50 years ng kumpanya noon.

Naku, noong una ko itong napanood ay ang lalim ng pagta-Tagalog sa ilang mga dialogue doon, particular na sa mga “magical maneuver” (tama ba yun?) nina Lucy, Marina at Anemone (iyan ang mga pangalan nila noon). Siyempre, napakabata ko pa nga naman noon kaya hindi ko inintindi iyon basta may napapanood ako (at paborito kong subject sa school noon ang Filipino). At nasundan ito ng ilang mga titles pa.

Isa rin ang Magic Knight Rayearth sa nag-umpisa ng trend ng “pagta-Tagalog” ng mga anime songs, pero katulad ng sinabi ko, hindi ko rin inintindi yun. Nang medyo lumaki na ako at sa tulong ng impormasyon ng magazine, doon ko pa lang nalaman na ang layo ng Tagalog translation ng mga kanta doon sa Japanese lyrics. At napagtanto ko rin na ang mga pangalan ng mga bida at pati na rin mga “powers” nila ay may relate doon sa character nila sa Japanese. Sa dalawang puntong iyon, natawa at natuwa na lang ako.

http://www.youtube.com/watch?v=uaOr98wnw4I

 

Kung ang ibang mga anime fans na mas bata sa akin ay naghahanap ng “accuracy” sa mga nabanggit ko, kung narito lang kayo sa posisyon ko, malamang na palampasin na lang ninyo ito. Para sa akin, very forgivable ang ginawa nila. May pagkalalim man nga ang dubbing nila, eh masasabi kong ang MKR ang isa sa pinakamagandang Filipino-dubbed version sa lahat ng hinawakan ng ABS-CBN. Siyempre, napanood ulit ito sa GMA (at siyempre, redubbed) kaya madali sa akin na i-adopt ang pagpanood ko nito.

Speaking of GMA, sinubukan din naman nila na mag-dub sa loob ng kanilang bakuran. Bago ang taong 1999 Voltes V era, ang anime na Mojacko ang masasabi kong maganda ang pagkaka-dub. Again, GMA mismo ang nagsagawa ng dubbing noon. Ngayon, ang mga napapanood nating mga Filipino-dubbed anime, karamihan ay mula sa mga gawa ng Telesuccess at Alta Production. At mula noong taong 1999, may mga animes na nakitaan noon ng mga pagpuna at naging saksi ako doon.

Sino ba naman ang hindi makakalimot sa ginawang pag-Taglish ng Initial D: Fourth Stage sa ANIMAX Philippines? Sinasabing tinalo daw ng anime na ito ang lahat ng mga napuna nang mga titles pagdating sa “kapangitan” ng dubbing. Nakapanood na ako ng ilang episode nito (and will all due respect), hindi ko talaga nagustuhan. Taong 2005 naman nang dumating sa cable TV ang HEROtv at naging tulay ito upang mapanood ang mga titles na napanood na sa ABS-CBN, Studio 23, maging sa GMA at sa Qtv 11.

Hindi rin naman nagpatalo ang ABC-5, dahil bandera nila noon ng ABC na Sailor Moon at naging paborito ko noon ang Eto Rangers, at nag-evolve sa pagiging TV5 (aminado man tayong lahat o hindi, ang AniMEGA block ang pinakamalakas sa panahong iyon).

May mga pagkakataon din na hindi lamang Filipino ang ginagamit sa dubbing sa ating bansa. Sa Visayas region ay ginagamit din ang dialect na Cebuano sa pagda-dub ng ilang titles doon, gayun din ang mga iba pang dialect sa Luzon tulad ng Ilocano (na napanood sa ABS-CBN Regional Network Group stations).

 

© Reki Kawahara / ASCII MEDIA WORKS / SAO ProjectSa panahon ngayon, may mga manonood pa rin na kung makapuna ng pagkakamali sa dub ng mga anime series sa TV ay parang alam nila kung paano ito isalin nang tama o di kaya ay parang sila ay mga dubbers din na kulang na lang ay sila na lang ang mag-dub kung may pagkakataon. Tandaan natin na minsan “kung ang mga binibitawan nating mga salita ay parang matalas na kutsilyo, malamang napatay na natin ang mga nakakausap natin”.

Hindi man direktang itinuturong ang pagkaka-dub ng mga TV5 AniMEGA titles ang dahilan ng pagkawala ng anime block sa channel, pero may mga pagpunang hindi pinag-isipan o padalus-dalos na mula pa sa mga manonood na hindi tunay na nakakaunawa ng mga bagay-bagay sa loob ng Pinoy anime fandom ang marahil nagtulak sa network para patayin ito.

At ngayong bumalik na ang AniMEGA block, pinag-usapan ang naging dub sa Sword Art Online, partikular na sa karakter na si Kazuto Kirigaya, also known as Kirite… este, Kirito.

Pilipino tayo. Yes, at upang ma-appreciate natin ang gawa ng mga programang banyaga sa TV, isang mabisang paraan ay ang pagda-dub ng mga ito. Kung ipagpipilitan ng iba na mag-boses Hapon ang mga Pinoy dubber natin, magmumukha lang silang “trying hard” at pagmumulan pa ito ng mas maraming negatibo at tila nakakamatay na mga pagpuna.

Pero hindi naman ibig sabihin ay hindi na rin tayo gagawa ng iba pang paraan upang ma-enjoy natin ang mga ito. Nariyan ang pagkakataong nakapanood tayo ng anime o tokusatsu movies na Tagalog-subbed ang sistema.

Hindi rin naman siguro tama ang sinasabi ng iba na lahat ng Japanese na salita ay dapat naisasalin sa Tagalog. Kailangan din namang i-sakto ang buka ng bibig ng mga characters sa anime sa dialogue na sasabihin ng mga dubbers. At kung sakali, kailangang humiram ng mga English words o phrases para sa mas epektibong dialogue. At nakikita ko namang epektibo ito, lalo na sa mga Japanese o English words at phrases na walang tiyak o eksaktong Tagalog translation. Pinahihirapan nyo lang ang trabaho ng mga dubbing firm.

Isa pa, noong panahong “tina-Tagalog” pa noon ang mga Japanese names sa mga anime noon (halimbawa na nga riyan ang MKR), unawain natin na hindi pa gaanong kalawak ang komprehensyon ng mga Pilipino sa Japanese. Same goes sa mga theme songs na dubbed din noon.

 

News5 correspondent and Rescue5 rescuer Benjie Dorango. (Photo from Jason Yu / Facebook)
News5 correspondent and Rescue5 rescuer Benjie Dorango. (Photo from Jason Yu / Facebook)

Kung hahamakin ng iba ang mga Pinoy dubbers dahil sa kanilang mga gawa, malamang magtutulak ang ilan sa kanila na maghanap ng ibang pagkakaabalahan. Halimbawa na lang si Mr. Benjie Dorango na nasa Rescue5 na, pero sa pagkakaalam ko ay involved pa rin sa dubbing.

Kaya hamon ko sa mga walang habas na namumuna ay subukan ninyong makaharap man lang sila at tingnan natin kung masasabi ninyo ang mga iyun sa pagmumukha nila, o di kaya ay subukan ninyong mag-dub at maramdaman nyo rin na kayo ay pinupuna ng mga nakakapanood ng mga gawa ninyo.

Totoong may mga dubbers na tumatanggap ng puna nang maluwag sa kalooban at meron din namang may “attitude” at “personality”. Kung ang mga ito ang nagiging motivation nila para magpatuloy sa kanilang mga ginagawa, hayaan natin.

Darating ang panahon na mapupuna din naman nila kung ano ang mga dapat nilang ayusin sa mga nagawa at gagawin nila. Tayo rin naman, kung may pagkakataon na sumagot ang mga dubbers sa mga puna natin, tanggapin natin ito at tayo na mismo ang mag-umpisa ng magandang pakikipag-ugnayan sa kanila.

Kaya sa mga nanonood ng anime mula sa lahat ng henerasyon ng Philippine TV, dapat nating isipin na napakahirap ang trabaho ng mga taong gumagawa ng Filipino-dubbing lalo na ang ilan sa kanila ay ito ang kanilang “bread and butter”.

Kung may mga pagpuna mang gagawin, dapat natin itong gawin nang may katarungan at respeto. Hindi kabawasan sa anime fandom kung papanoorin natin ang mga ito sa pamamagitan ng paggamit ng ating wika. Pero, maaaring kabawasan sa pagiging Pilipino natin kung feeling Japanese tayo lalo na sa mga ilang fans na gumagawa nito sa mga events at conventions sa Metro Manila.

Paglilinaw lang, kung wala rin lang tayong pormal na pag-aaral tungkol sa wikang Hapon ay mabuting huwag mag-feeling Hapon kaysa naman mapahiya o mabatikos ng iba.

Kung sabagay, kilala natin ang mga ilan sa mga Pinoy dubbers at kung makapanglait ang mga bashers ng gawa nila ay wagas. Iniisip siguro nila na never nilang makakaharap ang mga ito. Hindi naman ito nagagawa sa mga English-subbed anime titles, dahil pangalan lang ng subbing group ang kilala natin at hindi particular na tao. Maaaring ang pagpapalabas ng Tagalog-subbed anime o toku titles ay isang magandang ideya. Pero hindi sa lahat ng pagkakataon.

 

With revisions by Jan Lorenz Baliwagan, and you may follow him on Twitter at @PBNkapamilya.


The views and opinions expressed by the writer do not necessarily reflect the views of Anime Pilipinas, its members, partners and colleagues. If you have comments or reactions, please email us at [email protected].

Marlo Magtibay
Marlo Magtibay (known online as Anime Kabayan) is an anime fan since year 1999 from San Pablo City, Laguna, Philippines. He is known for his strong commentaries on anime programming, specially on the local TV channels. His writings was also published in the entertainment section of Abante and Abante Tonite, two of the tabloids in the Philippines. Currently, he observing the PHL anime industry and cosplay locally in San Pablo City and Laguna.